Petisyon sa QC RTC para pigilan ang COVID-19 pedia vaccination, posibleng ibasura
Posibleng ibasura ng Quezon city Regional Trial Court ang petisyon na humihiling na ipatigil ang pagbabakuna sa mga batang 5 hanggang 11 taong gulang kontra COVID-19.
Ayon kay Senador Francis Tolentino, wala ng saysay ang kaso dahil binawi na ng Department of Health ang kautusan nito na siyang ugat ng petisyon.
Ito ang memorandum ng DOH na nagbibigay otorisasyon sa estado sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development o kanilang counterpart sa mga Local Government Units na magbigay ng pahintulot kapag gusto ng mga menor de edad na magpabakuna pero ayaw ng kanilang magulang.
Nangangahulugan ito na kailangan pa rin ng consent o pahintulot ng magulang bago bakunahan ang kanilang mga anak.
Ipinunto naman ni Tolentino na umiral man o hindi ang nabanggit na memorandum ng DOH ay wala namang nangyayaring pwersahang pagbabakuna sa mga bata.
Ito ay dahil wala naman aniyang magulang na magdadala ng anak sa mga vaccination sites kung ayaw pabakunahan.
Hindi rin walk in kundi kailangang iparehistro ng mga magulang ang mga anak sa mga LGU para sa schedule ng vaccination.
Meanne Corvera