Petsa para sa paghahain ng kandidatura sa Brgy at SK polls binago ng Comelec
Habang hinihintay na makapasa ang panukala para sa pagpapaliban ng Barangay at SK polls, binago na ng Comelec ang petsa para sa paghahain ng kandidatura.
Sa advisory ng poll body, ang petsa para sa paghahain ng Certificate of Candidacy ay sa October 22 hanggang 29 na mula sa dating October 6 hanggang 13.
Paliwanag ni Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, sa bersyon kasi ng Kamara ay walang nakalagay kung ano ang mangyayari sa mga COC habang wala namang kasiguruhan pa kung matutukoy rin ang isyu na ito sa bersyon ng Senado.
Sa Kamara, lusot na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukala para sa pagpapaliban ng Brgy at SK elections habang sa Senado naman lusot na ito sa ikalawang pagbasa.
Binago na rin ng Comelec ang panahon ng election period at pag – iral ng gun ban na ginawa ng November 6 hanggang November 20, 2022.
Nananatili naman ang petsang November 25 hanggang December 3,2022 para sa campaign period.
Madelyn Villar – Moratillo