Pfizer-BioNTech vaccine, binigyan ng WHO ng ‘emergency validation’
GENEVA, Switzerland (AFP) – Binigyan na ng World Health Organization (WHO) ng emergency validation ang Pfizer-BioNTech vaccine, na magbibigay daan naman para agad nang aprubahan ng mga bansa sa buong mundo ang importasyon at distribusyon nito.
Inilunsad ng Britanya ang kanilang vaccination drive sa US-German vaccine noong December 8, na sinundan naman ng United States, Canada at mga bansa sa European Union (EU).
Ayon sa WHO, ang Pfizer/BioNTech vaccine ang unang nabigyan ng kanilang “emergency validation” mula nang unang lumitaw ang novel coronavirus sa China noong 2019.
Sinabi ni Mariangela Simao, isang top WHO official na ang trabaho ay tiyakin ang pagkakaroon ng access sa mga gamot, na ang ibinigay na ‘emergency validation’ ay isang napaka positibong hakbang para siguruhin na magkakaroon ng global access sa COVID-19 vaccines.
Ayon sa WHO, ang kanilang emergency use listing ay nagbubukas ng daan para sa mga regulator sa iba’t-ibang bansa na aprubahan ang importasyon at distribusyon ng bakuna.
Magiging daan din anila ito para ang UNICEF, na may mahalagang logistical role sa distribusyon ng anti-COVID vaccines, at Pan-American Health Organization ay makabili ng bakuna para sa mga bansang nangangailangan nito.
Pinulong ng WHO ang kanilang mga eksperto mula sa iba’t-ibang panig ng mundo, para repasuhin ang data sa kaligtasan, bisa at kalidad ng Pfizer/BioNTech vaccine na tinitimbang ang benepisyo nito kontra panganib.
Anila, napatunayan sa pagrepaso na ang bakuna ay nakapasa sa kinakailangang criteria para sa kaligtasan at bisa na itinakda ng WHO, at ang benepisyo ng paggamit sa bakuna para tugunan ang COVID-19 ay magpapagaan sa potensyal na panganib.
© Agence France-Presse