Pfizer COVID-19 vaccine para sa mga batang edad lima pataas, inirekomenda ng US panel
Inendorso ng isang medical panel ng US government, ang Pfizer Covid-19 vaccine para sa mga batang edad 5-11 na magbibigay daan para mabakunahan na ang nasa ganitong age bracket sa susunod na mga linggo.
Sa naging konklusyon ng independent experts, ang benepisyo ng bakuna kapwa sa kalusugan ng mga bata at para muli nang makabalik sa eskuwelahan ang mga ito, ay mas lamang kumpara sa panganib.
Makaraan ang isang araw ng debate at mga presentasyon, sa pinal na botohan ay 17 ang pumabor at isa ang nag-abstain.
Ang US Food and Drug Administration (FDA) na siyang nagpatawag sa meeting, ay inaasahang magbibigay ng kanilang pormal na go signal sa lalong madaling panahon, upang mabakunahan na sa kalagitnaan ng Nobyembre ang 28 milyong mga kabataang Amerikano.
Ayon kay Amanda Cohn ng Centers of Disease Control and Prevention (CDC) na bumoto ng yes . . . “It is pretty clear to me that the benefits do outweigh the risk when I hear about children who are being put in the ICU, who are having long term outcomes after their COVID, and children are dying.”
Sinabi naman ni Paul Offit, isang pediatrician sa Children’s Hospital of Philadelphia na bumoto rin ng yes . . . “It’s never when you know everything, the question is when you know enough. Many children who are at high risk stand to benefit, and that the theoretical risk of myocarditis, the most worrisome side-effects, would probably be very low, given the lowered dose of 10 migrograms, compared to 30 micrograms in older ages.”
Subalit may ilang eksperto na nagsabing hindi sila pabor sa mas malawak na vaccine mandates sa mga paaralan, at ang pagpapabakuna ay dapat na manatiling isang personal na desisyon para sa mga pamilya.
Una nang sinabi ng pangunahing FDA vaccine scientist na si Peter Marks . . . “Younger children were far from being spared harm of Covid-19, in this group there had been 1.9 million infections and 8,300 hospitalizations, roughly a third of which required intensive care. There have also been around 100 deaths, making it a top 10 leading cause of death.”
Sa analysis ng Pfizer na ipinost sa FDA bago ang meeting, nakasaad na ang bakuna ay 90.7 percent effective sa prevention ng symptomatic Covid-19.
Sa kanilang clinical trial, isinailalim ng Pfizer sa ebalwasyon ang safety data mula sa kabuuang 3,000 vaccinated participants, na ang pinaka karaniwang side-effects ay mild o moderate na kinabibilangan ng injection site pain, fatigue, headache, muscle pain at chills.
Walang kaso ng myocarditis o pericarditis (inflammation sa paligid ng puso), ngunit sumang-ayon na walang sapat na study volunteers para ma-detect ang “highly rare side-effects.” (AFP)