Pfizer nagsumite na ng EUA application para makapagbakuna kontra Covid-19 sa 5-11 age group
Ini-evaluate na ng mga vaccine expert ang aplikasyon para sa emergency use authorization (EUA) na isinumite ng Pfizer para magamit sa pagbabakuna sa mga nasa edad 5-11.
Sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na isinumite ng Pfizer ang kanilang aplikasyon noong nakalipas na linggo.
Inaasahang bago matapos ang taon ay mabibigyan na ng EUA ang vaccine manufacturer.
Target ng gobyerno na mapalawig pa ang Pediatric vaccination sa mga nasa edad 5-11 sa Enero ng susunod na taon.
Nilinaw naman ni Domingo na pag-aaralan din ng mga eksperto kung isa o dalawang dosage ang ibibigay sa mas nakababatang populasyon.
Samantala, sinabi pa ni Domingo na ang Moderna ay hindi pa nakapag-aaplay ng EUA o clinical trial para sa nasabing age group kaya hindi pa nila ito mabibigyan ng permit.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala naman aniyang naitatalang malalang adverse events sa mga bata na naturukan ng Pfizer covid vaccine sa ibang bansa.
Nauna nang inaprubahan ang pagtuturok ng Pfizer vaccine sa 5-11 age group sa Estados Unidos, Canada, Europe at Australia kaya tiyaka na ligtas ito at epektibo.
Ang Sinovac naman ayon kay Domingo ay hinihingan pa ng mas maraming datos mula sa isinumite nilang EUA para payagang maibakuna sa mga batang may edad 3 hanggang 17.