Pfizer vaccine para sa mga edad 5-11, darating sa Enero
Inaasahang darating sa Enero ng susunod na taon ang Pfizer-BioNTech (Pfizer) vaccines na para sa mga edad 5-11.
Sinabi ni National Task Force Against Covid-19 Special Adviser Dr. Teodoro Herbosa, na habang ang Emergency Use Authorization (EUA) para sa paggamit ng Pfizer vaccine sa mga nasa edad 5-11 taong gulang na mga bata ay naaprubahan na, ang aktuwal na doses para sa naturang age group ay binibili pa.
Ayon kay Herbosa . . . “We still have to wait for the actual dose and concentration that has to be procured. So, that will probably come by January.”
Pinasalamatan ni Herbosa ang US government at Pfizer para sa patuloy na pagde-deliver ng Pfizer vaccine doses sa bansa, na ang pinakahuling shipment ay binili ng gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Asian Development Bank.
Aniya . . . “Our goal now is to catch up to the target of 54 million fully vaccinated. We are currently at 45 million fully vaccinated. We have six vaccination days left, and hopefully, we can achieve the remaining eight million in the six days.”
Una nang inilabas ng Food and Drug Administration (FDA) ang EUA para sa Pfizer vaccine, banggit ang mataas na efficacy rate nito na nasa higit 90% at ang “lubhang banayad” na side effects sa kanilang critical trial.
Sinabi ni FDA Director-General Eric Domingo, na ang concentration ng Pfizer vaccine para sa five to 11-year-old children, ay mas mababa kumpara sa adult doses.