PH Embassies sa Israel at Lebanon, pinag-iingat ang mga Pilipino bunsod ng pag-atake ng Iran sa Israel
Nagpalabas ng hiwalay na mga abiso ang mga Embahada ng Israel at Lebanon dala ng panibagong tensiyon sa Gitnang Silangan matapos atakehin ng Iran ang Israel.
Pinayuhan ng Philippine Embassy sa Israel ang mga Pilipino doon na iwasan at ipagpaliban muna ang pagtungo sa Jerusalem, West Bank, Golan Heights, sa mga lugar na malapit sa border ng Gaza at Lebanon at sa mga matataong lugar.
Pinaalalahan din ang mga Pinoy sa Israel na iwasan o kaya ay lisanin na ang mga lugar na may nangyayaring karahasan.
Hinimok din ng Philippine Embassy sa Lebanon na mag-ingat at magsagawa ng kinakailangang paghahanda dahil sa situwasyon sa seguridad sa Lebanon-Israel border.
Pinaiiwas din ang mga Pinoy doon sa mga pampublikong pagtitipon at anumang protesta at hinikayat na sumunod sa mga direktiba ng mga lokal na awtoridad.
Sa tala ng Department of Foreign Affairs (DFA), nasa 30,000 Pilipino ang nasa Israel habang may 2,000 sa Iran.
Moira Encina