PH Embassy, sinagot ang mga patutsada ng Chinese Emb. vs PH-US Ambassador
Kinontra ng Embahada ng Pilipinas sa Washington D.C. ang mga banat ng Chinese Embassy laban kay Philippine Ambassador to the U.S. Jose Manuel Romualdez.
Sa pahayag ng Philippine embassy, itinanggi nito ang paratang ng Tsina na “mouthpiece” ng U.S. si Romualdez.
Ayon pa sa embahada, hindi nagpapakalat si Romualdez ng mga maling pagbabanta ng Tsina at “Sinophobia” na mga pahayag.
Iginiit ng Embahada ng Pilipinas sa Amerika na ang mga pahayag ni Romualdez ukol sa West Philippine Sea ay kasang-ayon sa posisyon ng mga opisyal ng pamahalaaan.
Partikular na rito ang mga iligal, provocative at mapanganib na aksyon ng Chinese maritime militia laban sa mga mangingisdang Pilipino at sa mga barko ng Pilipinas.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy na nag-uugnayan ang Tsina at Pilipinas ukol sa mga isyu sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng diplomasya at dayalogo.
Pero ipinunto ng DFA na ang Pilipinas ay sumusunod sa prinsipyo ng soberenya at hurisdiksiyon alinsunod sa International law at rules- based International order.
DFA Statement:
“ The Philippines and China continue to engage each other through dialogue and diplomacy. However, the Philippines abides by the principle of respect for sovereignty, sovereign rights and jurisdiction in accordance with the international law and the rules-based international order.“
Moira Encina