Ambassador Antonio Manuel Lagdameo,Aprubado na ng CA bilang kinatawan ng UN sa New York
Inaprubahan na ng makapangyarihang Commission on Appointment ang nominasyon ni Ambassador Antonio Manuel Lagdameo bilang permanent representative sa United Nations sa New York at Philippine Ambassador to US Jose Romualdez.
Bago aprubahan ang kanilang appointment, nakwestyon ang mga opisyal kung ano ang ginagawang hakbang para malinis ang pangalan ng Pilipinas sa International community.
Ayon kay Sagip Partylist Representative Rodante Marcoleta, sa ngayon kasi ang tingin ng ibang bansa sa Pilipinas ay human rights violator.
Ito’y dahil sa mga kaso ng extra judicial killings sa ilalim ng war on drugs ng nakalipas na Duterte Administration.
Natanong din si Lagdameo sa posibilidad ng pagbabalik ng Pilipinas bilang miyembro ng International Court.
Pero sagot ng opisyal, ang isyu ng ICC ay ipauubaya na sa Pangulo.
Kumikilos naman aniya sila ngayon para baguhin ang masamang imahe ng bansa sa international community.
Sinabi naman ni Senador Alan Peter Cayetano sumama ang imahe ng Pilipinas sa International community dahil binago aniya ni dating Senador Leila de Lima ang depenisyon ng mga pagpatay sa pamamagitan ng pagtawag na extra judicial killings na sana mabago ng mga embahador.
Kung pagbabasehan raw ang datos mas marami pang napatay sa ilalim ng Aquino administration.
Meanne Corvera