PH gov’t, may contingency plans sa harap ng tensyon sa Taiwan Strait –DFA
Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may contingency plans ang gobyerno sa harap ng pangamba sa tensyon sa Taiwan Strait.
Sinabi ni Foreign Affairs Acting Undersecretary Eduardo De Vega na palaging may contigency plans na nakalatag ang mga embahada, missions o consular offices ng Pilipinas saanmang lugar sa mundo para sa anumang uri ng sakuna.
Paliwanag pa ni De Vega, nakaugnay ang mga missions ng Pilipinas sa Tsina sa mga abogado, lokal na kumpanya at mga Pinoy community leaders para sa pagpapatupad ng contigency plans sakaling kailanganin.
Umaasa naman si De Vega na bilang diplomat ay mananaig pa rin ang diplomasya at dayalogo sa mga nasabing sitwasyon.
Samantala, siniguro muli ng ASEAN Affairs ng DFA na handa ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na tumulong sa mapayapang pagresolba sa Cross-Strait dispute.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu, lubhang nababahala ang ASEAN sa tensyon sa Cross-Strait dahil maaapektuhan ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon lalo na ang Pilipinas na pinakamalapit sa groundzero ng posibleng kaguluhan.
Aniya, inalok na ng ASEAN ang mga partido ng “good office” para sa dayalogo upang maresolba nang mapayapa ang isyu.
Matatandaan na nagalit ang Tsina at naglunsad ng malawakang military drills sa palibot ng Taiwan matapos bumisita doon si U.S. House Speaker Nancy Pelosi na sinasabi ng Beijing na paglabag sa One-China Policy at kanilang soberenya.
Moira Encina