PH hindi tutugon sa hinihinging komento ng ICC ukol sa muling imbestigasyon sa drug war cases
Nanindigan ang gobyerno ng Pilipinas na hindi ito tutugon sa hinihingi ng International Criminal Court (ICC) na komento kaugnay sa hirit nito na maimbestigahan muli ang mga kaso ng drug war killings sa bansa.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, hindi na miyembro ng ICC at nag-withdraw na sa Rome Statute ang Pilipinas.
Aniya, gumagana ang sistema ng hustisya sa bansa at iniimbestigahan ang mga nasabing kaso.
Gayunman, bilang pagrespeto aniya sa ICC ay ipababatid ng Pilipinas dito sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General ang mga hakbang ng bansa para resolbahin ang drug war cases.
Sinabi ni Remulla na isinumite na ng DOJ kay Solicitor General Menardo Guevarra ang case records na hawak nila sa ukol sa drug war.
Binigyang-diin ng kalihim na anuman na isusumite ng Pilipinas sa ICC ay hindi compliance sa request nito kundi bilang paggalang.
Una nang binigyan ng ICC ang Pilipinas ng hanggang September 8 para magsumite ng obserbasyon sa drug war probe.
Iginiit ni Remulla na dapat lang pumasok ang ICC sa mga bansa na walang judicial system at walang rule of law na umiiral sa Pilipinas.
Moira Encina