PH nakakuha ng ‘good reviews’ sa reporma sa justice system mula sa human rights community sa Geneva –Remulla
Ipinagmalaki ni Justice Secretary Crispin Remulla na binigyan ng “good reviews” ang Pilipinas mula sa human rights community sa Geneva, Switzerland pagdating sa mga reporma na ipinapatupad sa sistema ng hustisya.
Ang pahayag ay ginawa ni Remulla sa harap ng pagbisita sa bansa ng mga miyembro ng subcommittee on human rights ng European Parliament.
Sinabi ni Remulla na batid ng human rights groups sa Geneva na ang Pilipinas ang isa sa mga pinaka progresibo at nasa sentro ng atensyon sa justice system reforms.
Nagtungo sa DOJ ang EU Parliamentarians nitong Huwebes kung saan nakipagdayalogo ang mga ito kay Remulla.
Iginiit naman ni Remulla hindi puwedeng ipilit at manduhan ng EU delegates ang bansa ukol sa drug war probe ng International Criminal Court (ICC) dahil malayang bansa ang Pilipinas at may sarili itong sistema.
Sa susunod na linggo ay magpupunta sa Geneva, Switzerland si Remulla para dumalo sa mga pagtitipon ukol sa human rights.
Nakatakda rin aniyang lumagda roon ang Pilipinas sa ilang bilateral agreements sa ibang mga bansa kaugnay sa karapatang pantao.
Tanggap naman ng kalihim na may mga grupo na kontra at hindi kumbinsido sa mga pagsisikap ng gobyerno para matugunan ang mga isyu sa karapatang pantao dahil may sarili ang mga ito na political agendas.
Moira Encina