PH tumaas sa 63rd place sa global fixed broadband median speeds–Ookla
Umakyat sa ika- 63 puwesto ang Pilipinas mula sa 178 bansa pagdating sa fixed broadband median speeds habang ika-65 mula sa 138 bansa pagdating sa mobile global performance.
Ayon sa Ookla Speedtest, nakitaan rin ng 944% growth ang average fixed broadband download speeds sa bansa na ngayon ay 82.61 Mbps na mula sa dating 7.91 Mbps.
Dahil rito, umakyat sa 113 spots ang Pilipinas sa pinakahuling Speedtest Global ranking.
Ito ay ilang buwan bago ang pagbaba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto.
Ayon pa sa Ookla, impressive ang naging 467% growth ng average mobile internet speed sa bansa na nasa 42.22 Mbps na mula sa 7.44 Mpbs.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), ang pagbilis ng internet speed sa bansa ay resulta ng direktiba ng Pangulong Duterte sa mga telco na paghusayin ang kanilang serbisyo.
Ayon naman sa National Telecommunications Commission, malaking bagay rin ang utos ng Pangulo sa mga lokal na pamahalaan na pabilisin ang pag-iisyu ng permits sa mabilis na pagtatayo ng cellular towers at fiber optic networks sa mga telco na mahalaga para sa mapalakas ang internet connectivity at iba pang telco services sa bansa.
Madelyn Moratillo