Pharmally officials na sina Linconn Ong at Mohit Dargani, inilipat na sa Pasay City Jail
Bago mag-2:00 ng hapon ng Lunes ay dumating sa Pasay City Jail ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceuticals na sina Linconn Ong at Mohit Dargani.
Ipinagutos ng Senate Blue Ribbon Committee na ilipat sa city jail ang mga Pharmally executives makaraan na mabigo ang mga ito na ibigay ang mga hinihinging dokumento ukol sa imbestigasyon sa sinasabing anomalya sa pagbili ng mga COVID-19 medical supplies.
Partikular na nais ng Senado na isumite ng mga opisyal ay ang financial documents ng kumpanya.
Isinailalim muna sina Ong at Dargani sa medical checkup at antigen at RT PCR tests sa Senado bago dalhin sa Pasay City Jail.
Pagdating naman sa kulungan ay agad na isinailalim sa booking procedure ang dalawa kabilang na ang antigen testing.
Ayon kay BJMP Spokesperson Xavier Solda, ilalagay muna ang dalawa sa quarantine facility kahit negatibo sa COVID sa loob ng 10 hanggang 14 na araw bago isama sa prison population.
Tiniyak ng opisyal na walang magiging VIP treatment sa dalawa habang nasa city jail.
Moira Encina