Pharmally scandal, tinawag ni dating Sen. Richard Gordon na pinakamalaking katiwalian
Kumbinsido si dating Senador Richard Gordon na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang utak sa maanomalyang pagbili ng COVID-19 medical supplies mula sa kumpanyang Pharmally Pharmaceuticals.
Ayon kay Gordon, “Itong nangyari sa Pharmally is the biggest scam, and it was masterminded by the president of this country. I can say that without batting an eyelash. It would have never happened without him.”
Ito ay kahit kumambiyo pa si dating Health Secretary Francisco Duque III sa pahayag nito sa pagdinig sa Kamara kamakailan, na si Duterte ang nag-utos na ilipat sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) mula sa Department of Health (DOH) ang mahigit P47 billion pesos na Covid response fund.
Ayon kay Gordon, hindi makalulusot ang Pharmally mess na pinakamalaking kaso ng kurapsyon sa bansa kung walang kumpas mismo ng dating presidente.
Aniya, inamin mismo ni Duterte dati na ito ang nag-atas na ilipat ang Covid funds sa DBM.
Nanindigan pa si Gordon na kasabwat at malapit ang ugnayan ni Duterte sa dating hepe ng PS-DBM na si Christopher Lao, at sa mga may-ari ng Pharmally na pangunahin sa mga nakakuha ng kontrata para sa Covid supplies.
Sabi pa ni Gordon, “Magkakasama sila. ayan mga litrato ano pa gusto nyo? Talagang magkakasama sila pinlano yan para ma-impeach sa atin pinakamalaking nakawan sa bansa.”
Ayon sa dating senador, maaaring sampahan ng sinumang Pilipino si Duterte at puwedeng gamitin ang mga testimonya na nasa Blue Ribbon committee report.
Maaari rin aniyang tumayong testigo si Duque laban kay Duterte para hindi ito madiin sa kaso.
Ayon kay Gordon, “Kapag sumunod ka your liable, so ngayon the only chance he can have I doubt if he can do it, is to become a state witness against Duterte. Duterte is more troubled than ICC here because andito lahat ebidensya.”
Moira Encina