Phase 3 trials sinimulan na para sa Novavax vaccine sa US at Mexico
WASHINGTON, United States (AFP) — Inanunsyo ng US National Institute of Health (NIH), na sinimulan na sa Estados Unidos at Mexico ang clinical trials para alamin ang kaligtasan at bisa ng isang COVID-19 vaccine candidate mula sa American biotech company na Novavax.
Isang kaparehong Phase 3 trial para sa kaparehong bakuna na tinatawag na NVX-CoV2373, ang isinasagawa na rin sa United Kingdom kung saan nasa 15,000 volunteers ang ni-recruit.
Sa US at Mexico, ang bagong trials ay lalahukan ng nasa 30,000 volunteers na lampas ang edad sa 18.
Two-thirds ng participants ang bibigyan ng vaccine at one-third ang bibigyan ng isang placebo. Walang sinuman sa mga ito ang makaaalam kung ano ang itinurok sa kanila sa buong panahon ng trial.
Sinabi ng pangunahing US immunologist na si Anthony Fuci, direktor ng National Institute of Allergy and Infectious Diseases (NIAID) na bahagi ng NIH, na ang paglulunsad ng naturang pag-aaral na ika-lima nang investigational COVID-19 vaccine candidate na susubukin sa Phase 3 trial sa Estados Unidos, ay nagpapatunay na humahanap sila ng solusyon para wakasan ang pandemya sa pamamagitan ng pag-develop ng mga ligtas at mabisang bakuna.
Ang goal nito ay kahit man lang hindi bababa sa 25 percent ng participant sa US at Mexico trials ay may edad na 65 pataas.
Binigyang diin din ang pagre-recruit ng mga taong mas expose sa COVID-19, partikular ang African-Americans at Hispanics o yaong may mga underlying health conditions na naglalagay sa kanila sa mas mataas na panganib gaya ng mga obese at diabetics.
Ang bakuna ay may dalawang doses na ibibigay ng tatlong linggo ang pagitan. Maaari itong iimbak sa pagitan ng 2-8 degrees Celsius (35 and 46 degrees Fahrenheit), mas mainit-init na temperatura kaysa temperaturang kailangan ng una nang inaprubahang bakuna mula sa Pfizer/BioNTech at Moderna. Ibig sabihin ay mas madali itong maipamamahagi.
Ang Pfizer at Moderna vaccines ay base sa bagong teknolohiya, ang messenger RNA, habang ang Novavax vaccine ay isang recombinant protein vaccine.
Dalawa pang bakuna na mula sa Johnson & Johnson at AstraZeneca/Oxford na isinailalim din sa Phase 3 trials, ang inaasahang hihingi na ng emergency authorization para maipamahagi sa US, ang bansang pinakaapektado ng pandemya.
© Agence France-Presse