Phase 4 ng “Bayanihan, Bakunahan” pinalawig pa ng DOH hanggang March 18 para sa senior citizens
Pinalawig pa ng Department of Health ang “Bayanihan, Bakunahan” Part 4 hanggang sa Biyernes, March 18, subali’t para lamang sa mga nakatatanda o A2 sector.
Ang phase 4 ng national vaccination campaign ay nagsimula noong March 10 at matatapos dapat noong March 12, subali’t pinalawig ng DOH ang kampanya para sa pangkalahatang populasyon hanggang ngayong araw, Martes, March 15 kabilang na ang para sa booster shots.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotahe, ang target para sa Phase 4 ng “Bayanihan, Bakunahan” ay 1.8 milyon, nguni’t hanggang kahapon, Lunes, March 14, ang mga nabakunahan ay humigit-kumulang 1.4 na milyon lang.
Aniya . . . “Pinagbigyan natin ang hiling ng ibang mga rehiyon at ibang mga LGUs na ituloy ang bakunahan hanggang ngayon, Tuesday, March 15, para sa general population, yung ating first doses, at yung second doses. Pero mag-iistrategize sila ngayon para mapa-igting ang A2.” na ang tinutukoy ay ang senior citizens.
Dagdag niya . . . “So ang A2, i-extend natin hanggang Biernes, para may special focus sa mga mababa at kailangang pataasin pa yung kanilang coverage.”
Sinabi pa ni Cabotaje, na siya ring pinuno ng national vaccination operations center, na sinikap nilang abutin ang mga hindi pa nababakunahan, at yaong hindi pa nabibigyan ng boosters, hanggang sa punto na puntahan sila sa kanilang bahay o work places.
Subali’t bigo pa rin ang gobyerno ng Pilipinas na maabot ang target na 1.8 milyong doses.
Ayon pa kay Cabotaje . . . “Dumating talaga tayo sa puntong kailangang hanapin at kumbinsihin para magpabakuna ang ilan. Aside from nag-aatubili, there is complacency, then there is hesitancy.”
Sabi pa nito, natatakot pa rin ang ilan sa side effects ng bakuna sa kabila ng paulit-ulit na pagtiyak ng gobyerno na ligtas ang mga ito.
Wika pa ng opisyal, ang mga pag-ulan at pagbaha sa ilang rehiyon nitong nakalipas na weekend, ay naging sanhi rin ng mababang bilang ng mga nagpabakuna.
Aniya, ito na ang huling “Bayanihan, Bakunahan.”
Pagkatapos nito, sinabi ni Cabotaje na ang vaccination campaign ay tututok na rin sa mga lalawigan o mga lugar na may mababang vaccination rates, partikular sa mga lugar na hindi pa nakakaabot sa 70 percent full vaccination ng kanilang populasyon.