PHILCONSA nanawagan sa SC na madaliin ang pagdedesisyon sa mga election protest case
Nanawagan ang Philippine Constitution Association o PHILCONSA sa Korte Suprema na madaliin ang pag-desisyon ng mga election protest case.
Giit ni PHILCONSA Chairman Manuel Lazaro, bogus na opisyal at walang karapatan na manatili sa gobyerno ang sinumang pulitiko na hindi tunay na nanalo sa halalan pero nakaupo sa pwesto kaya dapat mabilis na mapagpasyahan ang mga poll protest.
Kaugnay nito, bumabalangkas aniya ang PHILCONSA ng rekomendasyon para mapabilis ang pag-usad ng mga kaso ng election protest.
Magsusulong din ang grupo ng amiyenda sa Automated Election System para maparusahan ang mga humahadlang sa maayos na pag-usad ng due process sa mga election protest.
Umaabot aniya ng tatlo hanggang apat na taon bago madesisyunan ng Presidential Electoral Tribunal ang mga kaso kaugnay ng presidential elections, at umaabot din ng hanggang sa susunod na eleksyon kaya nadedeklara na lamang moot and academic ang kaso.
Ulat ni: Moira Encina