PhilHealth, inatasan ng Pangulo na isama sa insurance coverage ang RT-PCR test at isolation ng COVID-19 patients
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na isama sa health insurance coverage ang gastos sa RT-PCR test, isolation sa mga accredited facility, at pagpapa-ospital ng mild at critical na COVID-19 patients.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ang mga pasyente na naka-admit sa mga tent sa labas ng mga ospital ay dapat ding kasali sa in-patient COVID-19 package ng PhilHealth.
Ipinalabas ng Malacanang ang kautusan matapos ipahayag ni PhilHealth Acting Senior Vice President Neri Santiago sa House of Representatives Health Committee online meeting noong Martes na ang temporary tent accommodations ay hindi sakop ng insurance package ng ahensiya.