PhilHealth, sagot na ang cartridge-based PCR tests ng kanilang mga miyembro
Sasagutin ng Philhealth ang cartridge-based polymerase chain reaction o PCR tests ng mga miyembrong sasailalim sa nasabing pagsusuri sa SARS-CoV-2 alinsunod sa guidelines ng Department of Health (DOH).
Ayon sa Philhealth layunin nito na lalong mapalakas ang testing capacity ng bansa.
Ang bagong benepisyong ito ay nagkakahalaga ng P1,059 hanggang P2,287 na direktang ibabayad sa mga accredited na laboratory.
Inihayag pa ng ahensya na ang mga miyembrong magpapa-test gamit nito ay sasagutin ng PhilHealth kung sila ay kabilang sa alinmang sub-groups ng “at risk” individuals na nangangailangan ng SARS-CoV-2 testing alinsunod, batay ito sa DOH Memorandum No. 2020-0258-A.
Kabilang dito ang may mga sintomas at history ng paglalakbay o contact; walang sintomas ngunit may history ng paglalakbay o contact sa mga taong may high exposure; contact-traced individuals; healthcare workers; at iba pang vulnerable na pasyente tulad ng mga buntis, immuno compromised at mga pasyenteng nagda-dialysis; Overseas Filipino Workers na nagbabalik bansa, at frontliners kabilang ang mga kagawad ng mass media.
Ayon pa sa PhilHealth, ang mga miyembro ay hindi dapat singilin ng co-payment o karagdagang bayad sa itinakdang pakete, maliban kung ang pasyente ay gumamit ng karagdagang serbisyo tulad ng online appointment, drive-thru, home service at iba pa.
Belle Surara