Philhealth, tiniyak sa mga ospital na may pondo silang pambayad sa claims
Kinumpirma ngayong Lunes ng Philhealth, na mayroon pa silang nasa 20 bilyong pisong unpaid reimbursements sa pribado at publikong mga ospital.
Sa isang panayam sa programang Balitakayan, sinabi ni Philhealth Vice President for Corporate Affairs Shirley Domingo, na may mga claim pang ipino-proseso sa kanilang tanggapan at ang iba ay ibinalik sa mga ospital para kumpletuhin ang deficiences, habang ang iba naman ay na-deny.
Ayon kay Domingo . . . “Talagang ganyan kalaki ang amount ng claims na nasa amin. But some are returned to the hospital to comply with some deficiences, at sinasabi namin sa hospital, mag-reconcile tayo ng mga data, which we are doing at the region.”
Aniya, habang marami sa mga claim na ipino-proseso ng Philhealth ay may kaugnayan sa COVID-19, ilan sa kanilang mga tauhan ang tinamaan din ng sakit na nakaapekto sa kanilang kapasidad sa pagproseso ng claims.
Paliwanag ni Domingo . . . “Nagdaragdag naman kami ng tao. We are augmenting that. Nag-iisip kami ng iba’t-ibang paraan to fast track these claims.”
Pagtitiyak pa ng opisyal . . . “May sapat na pondo talaga tayo para sa pagbayad ng lahat ng claims. That is not an issue naman talaga. We’re talking thinking of different strategies. We’re talking to various hospitals on the regional and national level.”