Philippine Airlines, nakatakas sa pangkabangkarote
Sinabi ng Philippine Airlines na nakabangon na ito mula sa pagkabangkarote, matapos aprubahan ng korte ng US ang plano nitong bawasan ang hanggang $2 bilyon sa utang ng airlines at makakuha ng dagdag na kapital.
Matatandaan na noong Setyembre ay nag-file ang Philippine Airlines (PAL) para sa bankruptcy sa Estados Unidos, habang tinatangkang makabangon sa pinsalang inabot ng airline industry bunga ng pandemya.
Ayon sa ipinalabas na statement ng PAL, inaprubahan ng US court ang isang reorganisation plan na kabibilangan ng $2 billion debt reduction at dagdag na liquidity ng $505 million mula sa main shareholder nito.
May opsiyon din ito na makakuha ng hanggang $150 million na dagdag na financing mula sa mga bagong investor.
Ayon sa airlines . . . “PAL has streamlined operations with a reorganised fleet and is now better capitalised to future growth.”
Batay sa datos ng gobyerno, bumagsak ang air travel sa Pilipinas ng higit 75% noong 2020 dahil sa ipinatupad na travel restrictions para mapigilan ang coronavirus.
Mula sa 60 million domestic at international passengers noong 2019, bumaba ito sa higit 13 million noong 2020.
Dagdag pa ng PAL, kinansela nila noong Setyembre ang higit 80,000 flights, kayat nawalan sila ng $2 billion na kita at nagbawas din ng higit 2,000 mga empleyado.
Ngayong muli nang nagbukas ang mga border at lumuwag na ang mga restriksiyon, sinabi ng PAL na ibabalik na nila ang kanilang regular flights kabilang na ang patungo sa mainland China at Australia.