Philippine Bar Association handang i-host ang Duterte- Carpio debate sa isyu sa West PHL Sea
Nag-alok ang Philippine Bar Association (PBA) na i-host ang debate sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at retired Supreme Court Justice Antonio Carpio sa isyu sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos na tanggapin ni Carpio ang hamon ng Pangulo sa nasabing usapin.
Sa isang statement, sinabi ni PBA President Rico Domingo na lubos na makikinabang ang publiko sa diretsahang talakayan sa isyung nakakaapekto sa lahat ng mamamayan.
Kung anong oras at petsa ang mapagkakasunduan ng dalawang panig sa debate ay handa aniya ang PBA na i-host ito nang libre.
Ito ay bilang bahagi aniya ng adbokasiya ng grupo na isulong ang Rule of Law.
Tiniyak din ni Domingo na bilang pinakamatandang voluntary at pribadong organisasyon ng mga abogado sa bansa ay magiging balanse ang PBA sa paghawak ng debate ukol sa mga importanteng isyu sa West Philippine Sea.
Ito ay lalo na’t ang mga kalahok dito aniya ay dalawang abogado na kilala at may mataas na katayuan at karanasan.
Moira Encina