Philippine Coast Guard binalaan ang kanilang mga tauhan na huwag masasangkot sa iligal na droga
Mahigpit ang paalala ni Philippine Coast Guard Commandant Admiral Artemio Abu sa kanilang mga tauhan na huwag masasangkot sa iligal na droga.
Giit ni Abu, ang kailangan ng Philippine Coast Guard ay mga lingkod bayan na tapat sa bansa at kapwa Pilipino.
Ang paalala ay ginawa ni Abu kasunod ng pagkaka aresto sa isa nilang tauhan sa isang buy bust operation sa Zamboanga City nitong weekend.
Kinilala ang nasabing personnel na si CG Seaman First Class Bernabe Cosme Delin Jr na nakuhanan ng 5 sachets ng hinihinalang shabu.
Kung mapapatunayang guilty matatanggal umano sa serbisyo si Delin.
Kasunod ng nasabing insidente, magsasagawa naman ng random drug tests ang PCG Southwestern Mindanao District sa kanilang mga tauhan.
Ayon kay Abu, dapat itong magsilbing aral sa kanilang mga tauhan para pahalagahan ang kanilang sinumpaang tungkulin sa bayan.
Tiniyak ni Abu na sila sa PCG ay katuwang ng gobyerno sa laban sa iligal na droga.
Madelyn Villar – Moratillo