Philippine premiere ng “On The Job: The Missing 8” nakatakdang ganapin ngayong Pebrero
Inilunsad na ng Cultural Center of the Philippines (CCP), ang 3rd installment ng “WAGI!,” isang serye ng film screenings na nagbibigay pugay sa Filipino film excellence, sa pamamagitan ng Philippine premiere ng internationally-acclaimed movie “On The Job: The Missing 8.”
Ang premiere ay itinakda sa February 18, ala-5:00 ng hapon sa Tanghalang Nicanor Abelardo sa CCP.
Ang screening ay susundan ng isang maiksing programa na kapapalooban ng pormal na presentasyon ng Volpi Cup sa aktor na si John Arcilla, at isang post-screening talkback kasama ng mga special guest. Ang Talkback ay naka-livestream sa CCP Facebook page.
Sa direksiyon ng multi-awarded director na si Erik Matti, ang “On The Job: The Missing 8” ang nagbigay kay Arcilla ng Coppa Volpi (Volpi Cup) para sa Best Actor sa 78th Venice Film Festival.
Ang pelikula ay tungkol sa istorya ng isang korap na reporter para sa isang lokal na pahayagan, na napilitang mag-imbestiga kasunod ng pagkawala ng kaniyang mga kasama, kahit labag sa sarili niyang interes.
Samantala, isang bilanggo na regular na pinakakawalan mula sa kaniyang selda para magsagawa ng mga asasinasyon, ang nasentensiyahan ng habang buhay na pagkakabilanggo para sa krimen na hindi naman niya ginawa. Dahil ayaw nyang habang-buhay na maging isang hitman, sinimulan niyang magplano kung paano makatatakas sa anomang paraan kung kinakailangan.
Ang “On The Job: The Missing 8,” ay nag-premiere noong September 10, 2021 sa 78th Venice International Film Festival.
Ang pelikula ay pumasok sa Main Competition para sa Golden Lion, at nakuha ang Volpi Cup para sa Best Actor sa pamamagitan ng performance ni Arcilla.
Isang HBO Asia Original, at sequel sa 2013 film na “On The Job,” ang “On The Job: The Missing 8,” ay nakapokus sa korapsyon at media cencorship.
Ang tiket ay mabibili sa halagang P300. Maaaring kontakin ang CCP Box Office sa 8832-3704 / 8832-1125 local 1409.
Ang special screening na ipi-prisinta ng CCP, ay sa pakikipagtulungan ng Asian Cultural Council Philippines Foundation, Reality MM Studios, at Globe Studios.
Ang “WAGI!,” ay isang serye ng screenings ng piling feature at documentary films na nagbibigay pugay sa Filipino excellence. Nagbukas ito noong November 5, 2021.