Philippine ROTC games pormal ng inilunsad
Upang lalong isulong ang nasyonalismo at sportsmanship sa muling pagpapatupad ng reserve officer training corps o ROTC nilagdaan sa Kampo Aguinaldo ang Memorandum of Agreement o MOA para sa pormal na paglulunsad ng Philippine ROTC games.
Ang MOA ay pinirmahan nina Senador Francis Tolentino, Philippine Sports Commission o PSC Chairman Jose Manuel Eala, Commission on Higher Education o CHED Chairman Prospero de Vera at Department of National Defense o DND Officer in Charge Senior Undersecretary Jose Faustino.
Ang 2023 Philippine ROTC games ay may temang tibay at galing ay pagyamanin suportahan ang palarong ROTC natin.
Sinabi ni CHED Chairman de Vera na ang Philippine ROTC games ay tulad ng palarong pambansa ng Department of Education o DepEd na naglalayong pa-unlarin ang physical at mental capability ng mga estudyante sa kolehiyo.
Inihayag ni PSC Chairman Eala na sa pamamagitan ng paglulunsad ng Philippine ROTC games ay dumaan sa matinding paghahanda dahil kailangang makipag-ugnayan sa management ng mga unibersidad at kolehiyo sa buong bansa na na namamahala ng University Athletic Association of the Philippines o UAAP at National Colegiate Athletic Association o NCAA.
Sinabi ni Eala na ang Philippine ROTC games ay bubuuin ng 11 kategorya na kinabibilangan ng athletics, obstacle course, swimming, boxing, arnis, weightlifting, kick boxing, e-sports, basketball, volleyball, target shooting at gymnastics.
Niliwanag naman ni DND OIC Undersecretary Faustino na mahalaga ang sportmanship sa mga reservist upang lalong mahubog sa tamang disiplina ang mga mga kabataan.
Ikinatuwa naman ni Senador Francis Tolentino na isang reserve brigadier general sa Philippine Army ang pagkakabuo ng Philippine ROTC games dahil lalong mapapalakas ang kapasidad ng mga kabataang reservist.
Inihayag ni Tolentino umaasa siya sa kanyang mga kasamahan sa Senado na pagtitibayin din ang panukalang batas na nagbabalik ng compulsary rotc sa kolehiyo matapos na pumasa na sa third reading sa mababang kapulungan ng kongreso ang rotc bill dahil ito ay senertipikahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent bill.
Iginiit ni Tolentino ang pagbabalik ng ROTC sa kolehiyo ay magbibigay daan para mapalakas ang reserve force ng bansa na magagamit sa panahon ng National emergency.
Vic Somintac