Philippine-Vietnamese Food Fair at Miss Asia-Pacific Entrepreneur contest na isinagawa sa Pilipinas, naging matagumpay
Naging matagumpay ang Philippine-Vietnamese Food Fair at Miss Asia-Pacific Entrepreneur 2022 contest na ginanap sa Newport Mall sa Pasay City. Dinaluhan ito ng ilang traders na ang layunin ay mapalakas ang ugnayan ng dalawang bansa sa larangan ng pagnenegosyo.
Ilan sa mga lumahok sa aktibidad ay ang embahada ng Espanya, Pilipinas, Vietnam at ilang national media companies sa bansa upang saksihan ang kauna-unahang food fair ng dalawang bansa.
Nakapaloob sa aktibidad ang iba’t-ibang promosyon, kalakalan at food exhibit na nagpapahayag ng malalim na ugnayan ng Pilipinas at Vietnam.
Layon din nito na matulungan ang mga nasa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) mula sa dalawang bansa upang muling umangat matapos dumapa dahil sa pandemya ng COVID-19.
Samantala, naglaan ng 300 million Vietnamese dollars na pondo ang CEO at Presidente ng Bliss Mimosa Beauty Corporation na si Ly Thao Ky para gugulan ang programa at para sa charity fund na “We Care for Humanity.”
Sa aktibidad ay binigyan din ng parangal ang mga babaeng negosyante mula sa kani-kanilang bansa, dahil sa kanilang talento at de-kalidad na produkto .
Inihayag din ni Ms. Ky, na sa Setyembre 19 ngayong taon ay muling magkakaroon ng isang pang fair na gaganapin naman sa Taiwan at ito ay tatawaging Taiwan-Vietnam Trade Promotion Program, para palakasin ang ugnayan nito sa iba pang mga bansa sa Asya partikular sa pagnenegosyo.
Ulat ni Jimbo Tejano