PhilRice’s car benefit plan, hindi pinayagan ng SC
Pinagtibay ng Korte Suprema ang inisyung notice of disallowance ng Commission on Audit (COA) laban sa buwanang bayad sa amortization sa mga pribadong sasakyan sa ilalim ng car benefit plan ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice).
Sa desisyon ng Supreme Court, ibinasura nito ang petisyon na kumukuwestiyon sa pagbawal ng COA sa car plan program ng PhilRice.
Pinagtibay ng SC ang findings ng COA na irregular ang mga payment sa car plan scheme dahil hindi ito aprubado ng Pangulo at hindi rin kasama sa exemptions sa ilalim ng Compensation and Position Classification Act of 1989 at iba pa.
Gayunman, inabsuwelto ng Korte Suprema mula sa sibil na pananagutan ang petitioners para isauli ang natanggap nila para sa rental ng mga sasakyan.
Kumbinsido ang SC na umakto in good faith ang petitioners sa pag-awtorisa sa pagbayad sa amortisasyon.
Layon ng programa na maiwasan ang brain drain o maengganyo ang mga natatanging opisyal at tauhan ng PhilRice na kadalasan ay pinipiling magtrabaho sa ibang bansa.
Moira Encina