Phivolcs, nakapagtala ng mas kakaunting volcanic quakes sa Mt. Bulusan
Bagama’t patuloy na nagbubuga ng makapal na volcanic plumes ang Mount Bulusan, mas kakaunting volcanic earthquakes ang naitala sa nakalipas na 24-oras base sa volcano bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology’s (Phivolcs).
Ang volcanic earthquakes ay sanhi ng paggalaw o pagsabog ng magma mula sa bulkan, kumpara sa tectonic na lindol na dulot ng fault movements.
Sa nakalipas na 24-oras, pitong volcanic quakes ang naitala sa Mount Bulusan, mas mababa kaysa 29 na volcanic quakes ng sinundang araw.
Sa parehong 24-oras na observation period, nakapagtala ng makakapal na volcanic plumes na 150 metro ang taas, at patuloy din itong pumapailanlang patungo sa hilagangkanluran.
Ang volcanic plumes ay mga kolum ng mainit na abo ng bulkan at gas na ibinubuga ng bulkan sa atmospera sa panahon ng isang explosive volcanic eruption. Ang isang mas mahinang pagsabog ay base sa taas ng plume na lumalabas mula sa crater o bunganga ng bulkan.
Simula noong Linggo ay nakataas na ang Alert Level 1 (low-level unrest) sa Mount Bulusan, matapos maitala ang 17-minutong phreatic eruption at steam-rich gray plume na humigit-kumulang isang kilometro ang taas.