PHIVOLCS, pinawi ang pangamba ng mga residente ng Sorsogon dahil sa posibleng panibagong pagputok ng Mt. Bulusan
Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang pangamba ng mga taga-Sorsogon sa posibleng pagsabog na naman ng Mt. Bulusan na tinawag na “mild phreatic” na tumatagal ng 12 minuto.
Una rito, nakapagtala ang Mt. bulusan ng pabugso-bugsong mga pag-ulan at mga thunderstorm activity na posibleng nakapag-trigger sa panibagong phreatic eruption dakong alas-10:29 kagabi.
Ayon sa PHIVOLCS, dala ng hydrothermal processes sa ilalim ng bulkan ang pagputok ngunit wala namang naobserbahang magma at pawang lumang volcanic materials lang ang ibinuga.
Sinukat na rin ngayong araw ang sulfur dioxide emission ng Bulusan upang masuri kung may pagbabago sa aktibidad nito maging ang posibilidad ng malakas na pagputok.
Nakatakda ring isailalim sa evaluation o assessment ng PHIVOLCS ang bulkan sa mga susunod na araw upang matingnan ang consistency ng aktibidad nito.