PHL Coast Guard magsasagawa ng maritime drills kasama ang US at Japan
Magsasagawa ng kauna-unahang trilateral maritime exercise ang Philippine Coast Guard (PCG) kasama ang US at Japan Coast Guard.
Isasagawa ang trilateral maritime exercise sa karagatan ng Mariveles sa Bataan mula Hunyo 1 hanggang 7, 2023.
Sa statement, sinabi ng PCG na layon ng PCG-USCG-JCG maritime exercise na palakasin ang interoperability sa pamamagitan ng communication exercises, maneuvering drills, photo exercises, maritime law enforcement training, search and rescue (SAR), at passing exercises.
Ang mga kalahok na Coast Guard personnel ay magde-demo ng isang scenario na kinasasangkutan ng suspected vessel na sangkot sa pamimirata.
Ang joint law enforcement team mula sa tatlong Coast Guards ay magsasagawa ng boarding inspection na susundan ng SAR.
Sinabi ni PCG officer-in-charge Vice Admiral Rolando Punzalan, Jr., na ang trilateral maritime exercise ay magpapabuti rin sa maritime cooperation and understanding.
“The US Coast Guard and Japan Coast Guard have been assisting us in our human resource development program, particularly in law enforcement training. This is a good opportunity to thank and show them what our personnel learned from their programs,” pahayag pa ni Punzalan.
Kaugnay ng pagsasanay, ide-deploy ng PCG ang BRP Melchora Aquino, BRP Gabriela Silang, BRP Boracay, at isang 44-meter multi-role response vessel.
Ipadadala naman ng USCG ang USCGC Stratton at Akitshusima naman ng JCG.
Bukod sa maritime drills, kapapalooban din ang week-long engagement ng sporting event para palakasin ang camaraderie ng tatlong Coast Guards, gayundin ng special interest exchange para sa mga kababaihan sa maritime law enforcement, at expert exchange para sa professional development ng PCG personnel.
I-imbitahan ng PCG para sa welcome at arrival ceremony sa Pier 15, South Harbor sa June 1 sina US Ambassador to the Philippines MaryKay Loss Carlson, Embassy of Japan’s Deputy Chief of Mission and Minister Kenichi Matsuda, Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo, DOTr Secretary Jaime Bautista, at JICA Chief Representative in the Philippines Takema Sakamoto.
Weng dela Fuente