PHL Coast Guard, naglatag ng oil spill boom sa paligid ng Viet ship sa Palawan
Naglatag na ng oil spill boom ang Philippine Coast Guard (PCG) sa paligid ng nakalubog na bahagi ng Vietnamese vessel sa karagatang sakop ng Balabac, Palawan.
Nakitaan kasi ng oil sheens ang bahagi ng karagatan sa paligid ng Viet Hai Star.
Ayon sa PCG, nasa 29,000 litro ng automotive diesel oil ang laman ng barko.
Galing sa Vietnam ang barko at patungo sana ito sa Cagayan de Oro City at may kargang 4,000 tonelada ng bigas nang sumadsad ito sa 810 yardang layo mula sa Balabac Port.
Nadiskubre ng mga crew na may leak sa kanang bahagi ng barko at binaha na ang unang compartment ng bow nito.
Nailigtas naman ng mga tauhan ng Coast Guard at PNP Maritime group ang 17 crew ng barko na nasa maayos nang kalagayan.
Sa pinakahuling inspeksiyon ng PCG Response Team, pinasok na ng tubig ang loob ng barko dahil sa high tide at malakas na alon sa nakalipas na magdamag.
Madelyn Villar Moratillo