Phone-hacking claim ni Prince Harry laban sa Daily Mirror publisher naresolba na
Naresolba na ang mga natitirang aspeto sa kasong isinampa ni Prince Harry kaugnay ng phone-hacking, laban sa publisher ng Daily Mirror tabloid.
Ayon sa British media, ipinaalam na sa High Court sa London ang resolusyong ito, tanda ng konklusyon sa isang matagal nang legal na labanan.
Idinemanda ng 39-anyos na Duke ng Sussex ang Mirror Group Newspapers (MGN) na siyang tagapaglathala sa The Mirror, Sunday Mirror at Sunday People, kung saan inakusahan niya ang mga mamamahayag nito na sangkot sa mapanlinlang at labag sa batas na mga pamamaraan, kabilang ang phone hacking, at ‘unethical’ journalistic practices.
Kabilang pa sa kaniyang mga akusasyon ay ang ilegal na paggamit ng mga mamamahayag na may kaugnayan sa publikasyon ng grupo, sa mga pribadong imbestigador.
Sa panahon ng paglilitis, 33 artikulong binanggit sa reklamo ni Harry ang sumailalim sa pagsisiyasat, kung saan 15 sa mga ito ang napag-alamang nakuha sa pamamagitan ng labag sa batas na paraan.
Inihayag ng abogadong si David Sherborne na ang Mirror Group Newspapers ay sumang-ayon na bayaran ang mga legal na gastusin ni Harry, na may paunang bayad na 400,000 British Pounds (USD505,000).
Sinabi ni Judge Timothy Fancourt na ang personal na telepono ni Harry ay tinarget sa pagitan ng 2003 at 2009 at ang 15 artikulo ay “produkto ng phone-hacking, o produkto ng iba pang labag sa batas na pangangalap ng impormasyon.”
Ayon kay Fancourt, “Phone hacking had been ‘widespread and habitual’ at MGN titles in the late 1990s but that the duke’s phone had only been tapped to a ‘modest extent.’”
Pinayagan niya na si Harry ay bayaran ng £140,600 ($177,300) bilang danyos.
Si Harry na nakababatang anak ni King Charles III, ang naging unang British royal sa loob ng mahigit isang siglo na humarap sa witness stand nang magbigay siya ng ebidensya sa paglilitis.