Photo journalist, 4 na iba pa sugatan sa ambush sa QC
Tinambangan ng mga hindi pa kilalang suspect ang isang photo journalist, kasama ang tatlong kapamilya nito.
Ang ambush, nakunan ng CCTV sa Barangay Masambong, Quezon City bago mag-alas-kuwatro ng hapon nitong Huwebes, June 29.
Sa video nakita ang biglang pagsalubong sa SUV ng isang kotse at biglang pagbaba ng dalawang sakay nito kasunod ng pagpapaputok ng baril.
Lumapit pa sa gilid ng SUV ang isa sa mga suspect at at nagpa-ulan ng bala sa mga pasahero.
Agad na tumakas ang mga suspect sakay ng sasakyan na sinundan naman ng isang motorskiklo sa direksyon ng Del Monte Avenue.
Sugatan ang sakay ng SUV na kinilalang si Joshua Abiad, isang photo journalist ng Remate Online na nakaupo sa passenger side.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Nicolas Torre III na galling sa isang staycation ang mga biktima nang mangyari ang pamamaril..
“Pauwi na sila then bago sila umuwi dumaan sila sa isang restaurant dito sa scout area natin at nang sila ay pauwi na talaga malapit sa bahay nila sinalubong sila ng isang kotse na may kasunod na motor… napakalaki ng possibility na yung motor ang kanilang surveillance,” paliwanag ni Gen. Torre.
Apat na suspek ang kanilang tinukoy na patuloy pa ring hinahanap..
At dahil malinaw sa CCTV ang plaka ng sasakyan na ginamit ng mga suspect, agad itong na-tract ng otoridad sa Bulacan kung kanino naka-rehistro pero ng mapuntahan ng pulisya iba ang sasakyan kung saan nakakabit ang plaka.
Sugatan din matapos tamaan ng bala ang driver ng sasakyan na kapatid ni Abiad, at ang dalawang pamangkin nito.
Isang bystander din ang nadaplisan sa paa sa nangyaring pamamaril.
Nananatili sa ospital si Abiad at nagpapagaling kasama ang kanyang kapatid at dalawang pamangkin na inoobserbahan sa ICU.
PNP kinondena ang pananambang sa isang kagawad ng media at pamilya nito
Mariing kinondena ng Philippine National Police (PNP) ang pamamaril kay Abiad at sa miyembro ng pamilya nito.
Agad na inutos ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda sa NCRPO at QCPD ang masusing imbestigasyon sa kaso at ang agarang pag-aresto sa mga nasa likod ng krimen.
Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) Abiad ANG QCPD para tumutok sa pangangalap ng ebidensya at testimonya na magbibigay linaw sa krimen
Nakikipag-ugnayan na rin ang otoridad sa pamilya ng biktima para makakuha ng mga karagdagang impormasyon na makakatulong sa paglutas ng kaso.
Sa harap nito, tiniyak ng PNP sa mga kagawad ng media na prayoridad nila ang pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng bawat isa.
Nanawagan din sila sa publiko na agad na ipagbigay-alam sa otoridad ang anumang impormasyon na makalkatulong sa pagresolba sa kaso.
Earlo Bringas/Mar Gabriel