Php480-K halaga ng pekeng salapi, nasabat ngayong taon ng BSP
Mahigit Php 480,000 na halaga ng counterfeit na perang papel ang nasabat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga operasyon nito sa unang siyam na buwan ng 2021.
Sinabi ng BSP na nagsagawa ang Payments and Currency Investigation Group nito ng pitong enforcement operations sa taong ito na nagresulta sa pagkakumpiska ng higit sa 500 piraso ng pekeng Philippine banknotes o salaping papel na may notional value na lagpas sa Php480,000.
Nadakip din sa mga nabanggit na operasyon ang 16 na suspek kung saan 14 sa mga ito ay sinasabing miyembro ng mga sindikato.
Naghain na ang central bank ng mga kriminal na kaso sa mga korte laban sa mga inarestong suspek.
Nasabat din ng BSP sa mga operasyon nito ngayong taon ang mahigit 200 piraso ng counterfeit na foreign banknotes.
Alinsunod sa batas, may parusang pagkakakulong na hindi bababa sa 12 taon at isang araw at multang hindi lalagpas sa Php 2 milyon ang mga namemeke ng pera ng bansa.
Moira Encina