Pilipinas at China palalakasin pa ang kooperasyon sa turismo
Mas iigting pa ang ugnayan ng Pilipinas at Tsina sa turismo matapos na lagdaan ng dalawang bansa ang Implementation Program (IP) on Tourism Cooperation.
Pinangunahan nina Tourism Secretary Christina Frasco at People’s Republic of China Culture and Tourism Minister Hu Heping ang ceremonial signing ng implementation deal.
Isa ito sa mga highlight ng tatlong araw na state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Beijing kung saan kasama si Frasco.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), layunin ng IP na maisakatuparan ang mga adhikain na nakasaad sa memorandum of understanding na nilagdaan ng Pilipinas at China noong 2002.
Tiwala si Frasco na makakalilikha ng maraming trabaho at investments ang implementation deal sa lahat ng sektor ng turismo sa buong bansa.
Magtutulungan rin aniya ang dalawang gobyerno para mapataas pa ang tourist arrivals at sa pagresume at pagdagdag ng direct flights sa mga pangunahin at emerging destinations.
Sakop din ng programa ang kooperasyon ng Pilipinas at Tsina sa tourism safety na maggagarantiya sa karapatan, interes at kaligtasan ng mga turista na bumibisita.
Noong 2019 nakapagtala ang Pilipinas ng 8.26 million international visitors kung saan ang Tsina ang pangalawa na may 1.74 million arrivals.
Moira Encina