Pilipinas at India palalakasin ang defense at security partnership
Nagkasundo ang Pilipinas at India na lalo pang paigtingin ang defense at security partnership sa pagtatapos ng 4th Philippines-India Strategic Dialogue.
Si Foreign Affairs Undersecretary for Bilateral Relations and ASEAN Affairs Ma. Theresa Lazaro ang nanguna sa delegasyon ng Pilipinas habang ang Indian delegation ay pinamunuan ni Ministry of Foreign Affairs Secretary (South) Saurabh Kumar.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), tinalakay sa security dialogue ang lumalawak na kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng depensa at seguridad, at maritime partnership.
Ilan pa sa mga napag-usapan sa dayalogo ang pagbili ng defense equipment, counter terrorism, intelligence exchange, transnational crime, at disaster risk reduction and management.
Bunsod ng parehong concerns ng Pilipinas at India sa maritime security at marine economy, napagpasiyahan din ng dalawang bansa na pabilisin ang preparasyon para sa bilateral Maritime Dialogue.
Samantala, sa hiwalay na 13th Philippines-India Policy Consultations, napagkasunduan ng dalawang panig ang pagpapalakas sa kooperasyon sa agrikultura, pharmaceuticals, science and technology, kultura, edukasyon, at turismo.
Tinalakay din ang bagong areas of partnership sa financial technology, space cooperation, development cooperation, at renewable energy.
Moira Encina