Pilipinas at UK palalawakin ang ugnayan sa maritime cooperation
Nagkasundo ang Pilipinas at United Kingdom (UK) na palawigin pa ang kooperasyon sa maritime interests ng dalawang bansa sa isinagawang Maritime Dialogue sa Pilipinas.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nagpalitan ng pananaw ang UK at Pilipinas sa mga mahahalagang global at regional developments.
Ibinahagi rin ang dalawang bansa sa isa’t isa ang strategic at practical impacts ng mga umuusbong na maritime-related technology at legal concepts.
Tinalakay din sa dayalogo ang maritime law enforcement, marine environment protection, climate adaptation, fisheries management efforts, at professional seafaring.
Sinabi ng DFA na ang Maritime Dialogues ay oportunidad para isulong ang shared strategic interests sa mga malalapit at like-minded partners ng Pilipinas.
Para naman sa UK, ang maritime cooperation ang isa sa mga larangan na nais nito ma-“turbocharge” bilang bahagi ng Philippines-United Kingdom Enhanced Partnership.
Pinangunahan nina DFA Maritime and Ocean Affairs Office (MOAO) Assistant Secretary Maria Angela Ponce at UK Foreign, Commonwealth and Development Office (FCDO) Legal Director Andrew Murdoch ang dayalogo.
Kasama ng DFA sa delegasyon ng Pilipinas ang mga opisyal mula sa Department of National Defense, Department of Agriculture, National Security Council, Department of Transportation, Department of Environment and Natural Resources, National Coast Watch Center; at ang Philippine National Police – Maritime Group.
Moira Encina