Pilipinas, bibili ng $375M missile system sa India
Plantsado na ang kasunduan para sa pagbili ng Pilipinas ng isang short-base anti-ship missile system mula sa India, na nagkakahalaga ng $375 milyon.
Ang Pilipinas ay nasa mga huling yugto na ng P300 bilyong proyekto para sa modernisasyon ng military hardware nito.
Ayon kay Department of Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana, sa ilalim ng kasunduan ng Pilipinas at India ay idideliver sa bansa ng Brahmos Aerospace Private Ltd., ang tatlong baterya, train operators, maintainers at magbibigay din sila ng logistic support.
Noon pang 2017 plinano ang pagbili nguni’t naantala ang budget allocation at nagkaroon pa ng problema dulot ng pandemya.
Noon namang 2018 ay bumili ang Pilipinas ng Israeli-made Spike ER Missiles na siyang unang ship-borne missile system para sa maritime deterrence.
Hanggang ngayon, kasama pa rin sa military hardware ng Pilipinas ang World War II warships at helicopters na ginamit ng America sa Vietnam War.