PHL, bumaba sa ika-32 pwesto sa mga bansang may maraming kaso ng COVID-19
Mula sa dating ika-19 na pwesto, apat na buwan na ang nakalilipas, bumaba sa ika-32 pwesto ang Pilipinas sa kalipunan ng mga bansang may pinakamaraming bilang ng kaso ng COVID-19.
Batay ito sa virus dashboard ng Johns Hopkins University (JHU) nitong Lunes, Enero 25.
Ang Pilipinas ay mayroong 513,619 COVID-19 cases at 10,242 na ang namatay.
Naobserbahan maging ng gobyerno ng Pilipinas, na napanatili ng bansa ang kaniyang ika-32 pwesto sa nakalipas na ilang linggo.
Umaasa si Presidential Spokesperson Harry Roque na patuloy pang bababa ang mga kaso sa darating na mga araw.
Ang Pilipinas ay sumunod sa Bangladesh na nakapagtala ng 531,799 cases at 8,023 na ang namatay.
Kinikilala ng gobyerno ng Pilipinas na bunga ito ng ginawang pangangasiwa ng bansa sa mga kaso ng COVID-19, kabilang na ang mass testing sa mga mamamayan, at ang isolation at treatment para sa mga nagpopositibo.
Bukod dito, malaki rin ang naging papel ng public at private health campaigns para mahigpit na sundin ang minimum health safety protocols o ang mask, hugas, iwas o ang pagsusuot ng masks, malimit na paghuhugas ng mga kamay at pagpapanatili ng social o physical distancing.
Sa mga bansa sa timog-silangang Asya, ang Indonesia ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19.
Sa kasalukuyan, ang Indonesia ay nasa ika-19 na pwesto sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng COVID-19.
Hanggang nitong Lunes ng umaga, Enero 25, ang Estados Unidos pa rin ang nangunguna sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng COVID-19, kung saan mayroon itong higit 25 milyong kumpirmadong kaso, at 419,208 na ang namatay.
Sa buong mundo, ang kaso ng COVID-19 ay umabot na sa higit 99 na milyong, hanggang nitong Jan. 25, 2021 kung saan higit dalawang milyon na ang nasawi.
Sinimulan na rin ng ibat-ibang mga bansa ang maramihang pagbabakuna, sa pagsisikap na mapigilan na mas marami pang tao ang mahawaan ng sakit.
Liza Flores