Pilipinas, dapat nang magkaroon ng Virology and Vaccine Institute – DOST
Sa gitna ng hindi pa rin matapos-tapos na laban sa COVID-19, iginiit ng Department of Science and Technology (DOST), ang pangangailangang magkaroon na ang bansa ng Virology and Vaccine Institute.
Sinabi ni DOST Secretary Renato Solidum, Jr., “Hinihikayat ko ang mga mambabatas na ipasa na ang Virology and Vaccine Institute of the Philippines dahil sa ang threat ng virus ay di mawawala.”
Nitong mga nakalipas na linggo ay nagkaroon ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa. Hindi naman tiyak kung ito ay dahil sa mga bagong variant na KP.2 at KP.3 o kilala rin sa tawag na FLIRT subvariant.
Una nang inamin ng Department of Health (DOH), na may posibilidad na nakapasok na sa Pilipinas ang KP. 2 at KP. 3 variants.
Giit ni Solidum, dapat na maging pro-active ang gobyerno laluna at laging nariyan ang banta ng iba’t ibang sakit.
Ayon pa kay Solidum, “Ang Pilipinas ay biodiverse country. Naaapektuhan ng global warming threat. Ang zoonotic diseases ay mataas sa Pilipinas kaya dapat ay maging pro-active tayo, kaya nga ang DOST ay isinusulong na maipasa ang Virology.”
Sa Kamara ay pasado na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukala para sa Virology Institute, habang hinihintay pa ang sa Senado.
Naniniwala ang mga kongresista na makatutulong ito para mapigilan ang pagkakaroong muli ng nakamamatay na virus at pagkakaroon ulit ng pandemya gaya ng idinulot ng COVID-19.
Sa ilalim ng panukala, ito ang magsisilbing premier research and development institute sa field ng virology.
Suportado rin aniya ng DOST ang dagdag pondo sa DOH, para makakuha ng mga bagong bakuna kontra COVID-19.
Madz Villar-Moratillo