PHL, gagastos ng P82-B para sa 148 milyong doses ng COVID vaccines para sa 70-M pinoy
Inihayag ng Malakanyang na kabuuang P82 Bilyon ang gagastusin ng pamahalaan para sa pagbili at distribusyon ng 148 milyong doses ng anti-COVID 19 vaccine.
Sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na ang pondo para sa 148 milyong doses ng anti-COVID 19 vaccine ay nagkakahalaga ng P72.5 Bilyon.
Ayon kay Galvez, ang P9.5 Bilyon ay para sa logistic at distribution ng bakuna tulad ng freight services, storage, gagamiting needles at syringes.
Tiniyak ni Galvez na magiging transparent ang paggastos sa pondong inilaan para sa mass vaccination program ng pamahalaan dahil dadaan ito sa mabusising proseso.
Niliwanag ni Galvez na ang pondo ay manggagaling sa multilateral at bilateral loans sa mga banko na kinabibilangan ng International Financial Institution tulad ng World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB).
Samantalang sa Local Financial Institution ay mula sa Land Bank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP) at mga Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs).
Binigyang diin ni Galvez bawat financial institution na panggagalingan ng pondo para sa anti COVID-19 vaccine ay may sariling auditing mechanism kaya malabong makalusot ang anumang anomalya.
Vic Somintac