Pilipinas gumastos na ng 1 Bilyong dolyar para sa 89 Million doses ng anti COVID -19 vaccine – Malakanyang
Umaabot na sa isang bilyong dolyar ang nagagastos ng Pilipinas na ipinambili ng 89 milyong doses ng anti COVID 19 vaccine.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na ang isang bilyong dolyar ay mula sa inutang ng Pilipinas sa multilateral financial institution na kinabibilangan ng World Bank at Asian Development Bank.
Ayon kay Roque, target ng pamahalaan na makabili ng kabuuang 240 milyong doses ng anti COVID-19 vaccine para mabakunahan ang mahigit 109 milyong populasyon ng bansa hanggang sa susunod na taon.
Inihayag ni Roque sa ngayon ay maganda ang tinatakbo ng anti COVID-19 vaccination program rollout ng pamahalaan dahil tuloy-tuloy ang pagdating ng mga anti COVID-19 vaccine na binili ng pamahalaan maging ang donasyong bakuna mula sa COVAX facility ng World Health Organization o WHO sa pakikipagtulungan ng gobyerno ng Amerika at Japan.
Niliwanag ni Roque na maaring makamit ang target ng gobyerno na mabakunahan ang 40 hanggang 70 milyong mga pinoy bago matapos ang taon upang makuha ang population protection laban sa COVID-19 hanggang buwan ng Nobyembre.
Batay sa record patuloy na dumarating at paparating pa sa bansa ang mga anti COVID -19 vaccine na kinabibilangan ng Sinovac ng China, AstraZeneca ng United Kingdom, Pfizer, Moderna at Johnson and Johnson ng Amerika at Gamaleya Sputnik V ng Russia.
Vic Somintac