Pilipinas handang tumulong para mabawasan ang tensyon sa Taiwan Strait
Tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na handa ang Pilipinas at ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na tumulong para maibsan ang tensyon sa Taiwan Strait.
Binigyang-diin ng kalihim na mula sa perspektibo ng Pilipinas ay napakahalaga na mapanatili na bukas ang linya ng komunikasyon sa pagitan ng mga partidong sangkot.
Aniya, ito ay para mapigilan ang paglala ng tensyon sa rehiyon.
Sinabi ni Secretary Manalo na palaging igigiit ng Pilipinas kung papaano mahihimok ang mga partido na panatilihin ang komunikasyon.
Una nang naglunsad ang China ng malawakang military exercises sa palibot ng Taiwan matapos ang pagbisita ni U.S. House Speaker Nancy Pelosi sa Taipei.
Iginiit ng Tsina na ang Taiwan trip ni Pelosi ay paglabag sa One-China Policy at panghihimasok ng U.S. sa soberenya at territorial integrity nito.
Moira Encina