Pilipinas, hindi na lalahok sa ICC
Masaya si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa desisyon ni Pangulong Bongbong Marcos na huwag ng lumahok ang Pilipinas sa International Criminal Court.
Si dela Rosa ang isa sa mga inaakusahang umano na may pakana ng mga kaso ng pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng Duterte administration na iniimbestigahan ng ICC.
Subalit , ayon sa Senador, si Duterte ang talagang target ng mga personalidad na nagpupumilit na paimbestigahan sa ICC ang giyera kontra ilegal na droga.
Kuwestyon ni dela Rosa , bakit nagpupumilit pa ang ICC na imbestigahan ang drug war gayong umurong na ang nagsampa ng kaso na si Attorney Jude Sabio.
malinaw aniyang political hatred ang layon ng imbestigasyon.
Giit pa ng Senador, nabahiran na ng bias ang ICC at walang dahilan para panghimasukan nila ang panloob na usapin ng bansa.
Aminado naman ang Senador na nagkaroon ng mga kaso ng pag –abuso sa kampanya laban sa illegal drugs.
Pero ang mga pulis aniya na nasangkot ay nakasuhan, nakulong at ang ilan ay na convict na.
Sinusuportahan rin ng mga Senador ang desisyon ng Pangulo.
Ayon naman kay Senador Francis Tolentino may independent foreign policy ang bansa kaya hindi na mahalaga ang papel ng ICC.
2018 nang mag withdraw ang Pilipinas sa Rome statute .
Katuwiran ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, hindi dapat pakialaman ng mga dayuhan ang panloob na usapin ng bansa partikular na ang kampanya laban sa illegal drugs.
Para naman kay Senador Joel Villanueva dapat irespeto ang desisyon ng Pangulo na siyang binigyan ng mandato sa isyu ng foreign policy ng bansa.
Meanne Corvera