Pilipinas kulang sa mga plastic recycling infrastructure
Nangangailangan ang bansa ng mga plastic recycling infrastructure at technology para matugunan ang mismanagement ng mga plastik na basura sa Pilipinas.
Sa Philippine National Recycling Conference, sinabi ni Department of Environment and Natural Resources Undersecretary Jonas Leones na kulang ang bansa sa recycling facilities at technologies.
Mahalaga aniya ang mga naturang imprastraktura para mas maayos na maproseso at ma-recycle ang mga basura at mabawasan ang pagdepende sa landfills.
Ayon kay Leones, mahalaga na magkaroon ng investments sa mga nasabing pasilidad para makamit din ang circular economy sa bansa.
Aniya, 70% ng material value ng plastic wastes ang nawawala sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa hindi tamang nakukolekta at nari-recycle ang mga plastik na basura.
Sa tala ng DENR, umaabot 61,000 metriko tonelada ang itinatapong basura kada araw sa bansa.
Katumbas ito ng 163 million sachet packet kada araw; 48 million shopping bags kada araw at 45 million thin-film bags.
Kaugnay nito, hinimok ng DENR official ang mga pribadong kumpanya sa komperensya na mag-invest sa recycling at waste management infrastructures.
Inirekomenda naman ni Engineer Reynaldo Esguerra ng Department of Science and Technology (DOST) ang paggamit ng mas maliliit na teknolohiya sa pag-recycle ng mga basura na kayang mapangasiwaan ng mga komunidad.
Tiniyak naman ng nasa pribadong sektor na tumutugon sila sa mandato sa kanila sa ilalim ng Extended Producer Responsibility (EPR) Law na bawasan ang mga ginagamit na basura at maging innovative sa mga packaging ng mga produkto
Moira Encina