Pilipinas, magho-host sa pandaigdigang kumperensya sa turismo ngayong linggo
Magiging host ang Department of Tourism (DOT) sa 21st World Travel and Tourism Council (WTTC) Summit mula Abril 20-22.
Unang pagkakataon para sa Pilipinas, sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na ang pagtitipon ng tourism stakeholders ng mundo, na kabibilangan ng mga opisyal ng gobyerno at business executives, ay makatutulong upang makabawi ang industriya ng turismo sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Dadalo sa summit si dating United Nations secretary general Ban Ki-Moon kasama ng tourism ministers ng Barbados, Japan, Maldives, Saudi Arabia, South Africa, Spain at Thailand maging ang Bye Bye Plastics Movement founder na si Melati Wijsen.
Ang event ay noong October 2021 pa sana gagawin ngunit iniurong ng 2022 dahil sa global travel restrictions.
Ayon kay Puyat . . . “The tourism summit will serve as the light at the end of tunnel following a long period of darkness for global tourism,” na ang tinutukoy ay ang higit dalawang taong travel restrictions sa panahon ng pandemya.
Sa projection ng WTTC, ang travel at tourism sa rehiyon ng Asya-Pasipiko, kabilang ang Pilipinas, ay makababalik na sa pre-pandemic levels ngayong taon.
Hinimok ng konseho ang mga gobyerno sa rehiyon na ipagpatuloy na pagtuunan ng pansin ang vaccine at booster rollout, upang mapayagan na ang fully vaccinated travelers na makagalaw ng malaya nang hindi na kailangang sumailalim sa testing.
Noong September 2020, nag-isyu ang WTTC ng “Safe Travels” stamp sa Pilipinas dahil kinikilala nito ang pagsisikap ng bansa na i-promote ang health protocols na pumasa sa global standards.