Pilipinas, makikipagtulungan sa United arab emirates para sa mga programang may kinalaman sa climate change
Nangako ang pamahalaang Pilipinas na makikipagtulungan sa United Arab Emirates o UEA sa pagbuo at pagpapatupad ng mga makabagong energy efficient programs na makapag-aambag sa pandaigdigang pagsisikap na mapigilan ang mapaminsalang epekto ng climate change.
Sa ginanap na climate change virtual conference na pinangunahan ng UEA ikinalugod ni Finance Secretary Carlos Dominguez ang ginagawang pagsusulong at paggamit ng UEA ng clean energy solutions para matugunan ang lumalalang climate crisis at mabawasan ang polusyon.
Si Dominguez ang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kaniyang kinatawan sa climate change commission.
Sa nasabing pagpupulong ay inilahad ni Dominguez ang nararamdaman na ang epekto ng climate change sa ibat ibang bahagi ng bansa kabilang dito ang pagkakaroon ng malawakang pagbaha, daluyong o storm surges at pagtaas ng antas ng tubig sa karagatan.
Ayon kay Dominguez, inaasahan ng pamahalaan na magsusumite ng kanilang rekomendasyon ang climate change commission at national panel of technical experts base sa siyensiya para matugunan ang problema sa baha sa ibat-ibang panig ng kapuluan.
Inihayag ni Dominguez, nagpapatupad ngayon ang Pilipinas ng whole of nation approach para makamit ang commitment nito sa international community na mabawasan ang greenhouse gas emission ng 75% pagsapit ng 2030 sa pamamagitan ng paggamit ng clean at renewable energy.
Vic Somintac