Pilipinas may koordinasyon na sa US govt. para sa anti COVID – 19 Vaccine ng Pfizer
Nagkaroon na ng koordinasyon ang Pilipinas sa US government para makabili ng anti COVID- 19 vaccine na gawa ng Pfizer.
Ito ang inihayag ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez sa regular virtual press briefing ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque sa Malakanyang.
Ayon kay Ambassador Romualdez, mismong si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang nakipag-ugnayan kay US Secretary of State Mike Pompeo para sa anti COVID 19 vaccine ng Pfizer.
Sinabi ni Romualdez na ang hakbang ni Secretary Locsin ay bilang pagsunod sa nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na idaan sa government to government ang negosasyon sa pagbili ng bakuna laban sa COVID 19 para mabilis at maiwasan ang anumang anomalya.
Naniniwala si Romualdez na kahit magpalit ng administrasyon sa Amerika dahil sa pagkakapanalo ni US President elect Joe Biden laban kay President Donald Trump ay hindi maaapektuhan ang nauna ng kasunduan nina Secretary Locsin at Secretary Pompeo sa pagbili ng anti COVID 19 vaccine ng Pfizer dahil ito ay isang government to government deal.
Inihayag pa ni Romualdez na sa sandaling mabigyan ng certificate of apporval ng US Food and Drugs Administration o FDA ang anti COVID 19 vaccine ng Pfizer ay mabilis na rin itong mapagtitibay ng FDA sa Pilipinas.
Umaasa si Romualdez na sa unang quarter ng susunod na taon ay maisasakatuparan ang pagbili Pilipinas ng US made Pfizer anti COVID 19 vaccine.
Vic Somintac