Pilipinas nagwagi bilang World’s Leading Dive and Beach Destinations sa 29th World Travel Awards
Itinanghal ang Pilipinas bilang World’s Leading Dive Destination at World’s Leading Beach Destination para sa taong 2022 sa 29th World Travel Awards Grand Final Gala Ceremony sa Muscat, Oman.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), ito na ang ikaapat na sunod na taon na nagwagi ang Pilipinas na World’s Leading Dive Destination.
Natalo ng Pilipinas sa nasabing titulo ang Great Barrier Reef sa Australia, ang Cayman Islands, Maldives, Fiji, Mexico, Azores Islands, French Polynesia, Galapagos Islands, St. Kitts, at Belize.
Bilang World’s Leading Beach Destination, nahigitan ng Pilipinas ang beaches sa iba’t ibang panig ng mundo tulad ng dating na awardees na Maldives, The Algarve sa Portugal, Jamaica, Galapagos Islands sa Equador, Turks at Caicos Islands.
Samantala, kinilala rin sa World Travel Awards ang Amanpulo bilang World’s Leading Dive Resort 2022.
Nominated naman ang DOT bilang World’s Leading Tourist Board ngayong taon.
Nakakuha rin ng nominasyon ang Siargao
bilang World’s Leading Island Destination at ang Intramuros bilang World’s Leading Tourist Attraction.
Sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na pinagkukunan ng DOT ng inspirasyon ang nasabing global victories upang lalong magtrabaho nang maayos at pagbutihin ang overall tourist experience sa bansa.
Moira Encina